Mga Bantayog ni Jose Rizal sa New South Wales, Australia at Pagtatakda ng mga Espasyong Pilipino (original) (raw)
2023, Journal of Philippine Local History & Heritage 9(1): 90–181
Hindi na bago ang pag-aaral tungkol sa mga bantayog, monumento, o busto ni Jose Rizal. Ngunit, kasabay ng pagsibol ng mga paksang nakikitianod sa kanya ay ang walang hanggang pagpapatayo rin ng mga monumento, liwasan, at lansangang nagtatampok sa kanyang karangalan. Tunay na larawan ng pangkalahatang identidad ang bawat monumento dahil sinasagisag nito ang historikal na kahalagahang mayroon ang isang bansang nirerepresenta nito. Ipinapasundayag sa bawat munisipalidad, lungsod, at lalawigan sa Pilipinas ang kani-kanilang monumento o estatuwa ni Rizal na madalas makikita sa sentro ng pamahalaan, plaza, o sa paaralan. Patuloy pang lumolobo at malaganap ang pagpapatayo noong sentinyal, seskisentinyal, at inaasahan pa sa mga susunod na dantaonang paggunita kay Rizal. Naipamamalas ang kabayanihan at kadakilaan ni Rizal hindi lamang sa buong Pilipinas ngunit maging sa ibayong dagat (kahit hindi niya ito personal na narating). Sa ganitong pagtatangka, naambagan tuloy nito ang pagpapayabong sa Araling Kabanwahan bilang pag-aaral sa mga kaugnay na bayan/ibang bayan at kabihasnan/ibang kabihasnan. Sumalok at sumaklaw din ito ng malawakang pag-aaral tungkol sa diplomasya o ugnayang panlabas at migrasyon ng Pilipinas sa ibayong dagat. Dito na maaaring maipasok si Rizal na kinasangkapan ng diplomasya o ugnayang panlabas (sa anyo ng pagtatakda ng sister city at iba pang mga gawaing pampolitika) at higit sa lahat, ang migrasyon (sa anyo ng mga migranteng Pilipino) na pumaimbulog sa pagsasaespasyong Pilipino sa ibayong dagat. Bagaman milya-milya ang distansiya ng mga Pilipino mula sa kanilang sariling bayan tungo sa inaangking bayan, hindi ito nagiging hadlang sa pagbubuo ng kanilang identidad. Ang direktang akses/pakikipag-ugnay ng mga Pilipino sa anomang simbolo/representasyon ay isang malaking bahagi ng paggigiit ng kompleksidad at dimensyonal na perspektibang Pilipino. Sa magkatuwang na pagpapahalagang Araling Rizal at Araling Kabanwahan, aambagan ng artikulong ito ang literaturang magtatanghal sa tálabang espasyong Rizal at espasyong Pilipino sa ibayong dagat. Tuon nito ang New South Wales, Australia na kakikintalan ng mga munting espasyong Rizal. Naging marka ang mga pampublikong espasyong ito ng pagkakakilanlang Pilipino.